MANILA, Philippines – Dalawang Pilipinong tripulante ang namatay matapos lumubog ang kanilang Singaporean-flagged cargo vessel malapit sa Scarborough Shoal, ayon sa Chinese Embassy sa Manila nitong Biyernes.
“As of 12:30 pm, 17 people have been rescued. 14 are in stable condition, 2 have been confirmed dead, and 1 remains under emergency medical treatment,” aniang embahada, at idinagdag na ang mga rescue efforts ay “in full swing” at nagpapadala ang maritime authorities ng China ng karagdagang rescue teams sa lugar ng aksidente.
Ang barkong M/V Devon Bay, na may kargang iron ore, ay papuntang China mula sa Pilipinas at may 21 Pilipinong crew members nang mangyari ang insidente.
Sinabi ng embahada na naglunsad ang Chinese People’s Liberation Army Southern Theater Command ng joint rescue operation.
Wala pang kumpirmasyon ang Philippine Coast Guard sa dalawang namatay na ulat ng Chinese government. Ayon sa PCG, apat na crew members ang nawawala pa noong 2:25 p.m., at 17 indibidwal ang nailigtas ng China Coast Guard, ayon sa K-Line Roro Bulk Ship Management Co., Ltd.
Sinabi ng PCG na ang barko ay huling nakita 141 nautical miles kanluran ng Sabangan Point, Ango Bay, Pangasinan bandang 8:30 p.m. noong Huwebes, at nagpadala ng distress report nang ito ay nasa listing na humigit-kumulang 25 degrees.
Nag-deploy ang PCG ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), BRP Cape San Agustin (MRRV-4408), at dalawang aircraft para sa search and rescue operations. RNT