Home METRO 2 tsuper patay, 16 sugatan sa salpukan ng bus, trak

2 tsuper patay, 16 sugatan sa salpukan ng bus, trak

ALBAY – Nasawi ang dalawang driver habang 16 pasahero ang nasugatan sa banggaan ng isang pampasaherong bus at 10-wheeler truck na may kargang yelo sa Maharlika Highway, Barangay Balangibang, Polangui, Albay nitong Martes ng hapon, Mayo 20.

Kinilala ni Police Lt. Col. Maria Luisa “Malu” Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office 5, ang isa sa mga biktima na si Benedict Onrobia, driver ng Bobis Liner bus at residente ng Barangay Canaway, Malilipot, Albay, habang inaalam na ang pagkakakilanlan ng nasawing driver ng trak.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, galing Naga City ang trak at patungong Legazpi City, habang ang bus ay patungong Maynila mula Tabaco City. Nawalan umano ng kontrol ang truck driver matapos sumabog ang kaliwang gulong sa harapan, dahilan upang bumangga ito sa kasalubong na bus na may sakay na tinatayang 50 pasahero.

Sa lakas ng banggaan ay tumilapon ang driver ng trak na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Agad namang isinugod sa mga malalapit na ospital ang mga nasugatang pasahero.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente. Mary Anne Sapico