MANILA, Philippines – Naging sentro ng food trip ng mga Manileño at turista ang Plaza San Lorenzo Ruiz sa Binondo matapos dagsain ng mga food lovers ang Manila Restaurant Week: Street Food Festival na layong ipakilala ang mayamang culinary culture ng pinakamatandang Chinatown sa mundo.
Personal na pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagbubukas ng food festival nitong Huwebes bilang pagpapakita ng suporta sa mga lokal na negosyante at restaurant owners sa lungsod.
Kasama ng alkalde ang ilang konsehal at mga negosyanteng Tsinoy sa pag-iikot sa mga food stall na nag-aalok ng sari-saring pagkaing kilala sa Binondo.
Ayon kay Domagoso, mahalagang suportahan ng pamahalaang lungsod ang mga aktibidad na nagbibigay ng dagdag na oportunidad sa mga lokal na negosyo at tumutulong sa pagpapasigla ng ekonomiya ng Maynila.
Bida sa pitong araw na festival ang 20 iba’t ibang putahe mula sa mga Chinese restaurant sa Binondo na pinagsama-sama sa iisang lugar upang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na matikman ang iba’t ibang specialty food nang hindi na kailangang libutin ang buong Chinatown.
Bukod sa pagiging tampok na food destination, inaasahang makatutulong din ang aktibidad sa pagpapakilala ng mga lokal na restaurant sa mas maraming mamimili at turista.
Bukas ang mga food stall sa tapat ng Binondo Church mula alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.
Tatagal ang Manila Restaurant Week: Street Food Festival hanggang Nobyembre 18, kaya inaanyayahan ang publiko na tikman ang iba’t ibang pagkaing nagtatampok sa kakaibang sarap at kulturang hatid ng Binondo. JAY Reyes