MANILA, Philippines – SINABI ni Vice President Sara Duterte na ang 2022 presidency ay siguradong sa kanya na.
Pinagbatayan ni VP Sara ang mga survey at pagkakaisa ng mga tao para sa kanyang kandidatura.
“The presidency of 2022 was mine already. Nanalo na ako sa surveys, lahat ng tao solid na, united na for my candidacy. Pero I gave it away because I felt I had to do some other things other than being president of the Republic of the Philippines,”ayon kay VP Sara.
Kaya, malabo aniya na siya ang dahilan ng kaguluhan ngayon sa politika.
Matatandaang, sinabi ni VP Sara na sarili niyang desisyon na huwag tumakbo sa pagka-pangulo noong 2022 dahil nais lamang nito na ipagpatuloy ang kanyang termino sa Davao City sa oras na iyon.
“Hindi talaga nagsabi si Pres. Duterte na tumakbo ako for president. And even if, nagsabi siya, hindi rin talaga ako tatakbo for president,” ang sinabi pa ni VP Sara.
Giit naman nito na ang ‘maltreatment’ di umano ng mga kongresista lamang naman ang dahilan ng political chaos.
“Pangalawa, hindi ako ‘yung nagsabi sa kanila na magbukas sila ng investigation or inquiry in aid of legislation that is more likely political persecution and harassment of OVP personnel,” ayon kay VP Sara.
“So, ‘wag nila akong i-gaslight into saying na ako ang dahilan ng kaguluhan na ito. Ang kaguluhan na ito ay nagsimula sa terrorism nila, sa harassment nila, sa threats nila sa mga personnel ng Office of the Vice President,” aniya pa rin.
Tinuran pa ni VP Sara na dadalo siya sa susunod na pagdinig hinggil sa di umano’y maling paggamit ng pondo ng OVP at Department of Education para samahan ang kanyang staff na magsisilbi bilang resource persons.
“They really feel safer and medyo kumakalma sila kung nandyan ako,” ayon kay VP Sara.
Samantala, pinasalamatan naman ni VP Sara ang kanyang mga supporters na nagtipon sa EDSA Shrine.
Pinasalamatan din niya ang iba na naging “vocal” ukol sa mga isyu na tumutugis sa kanyang tanggapan at staff.
“Nagpapasalamat din kami sa mga supporters namin na nasa EDSA Shrine and syempre ‘yung iba pa na kahit hindi namin supporters ay nagpapalabas ng kanilang saloobin sa mga nangyayari ngayon dahil nagbabantay din sila sa mga pasyente natin dito sa Veterans Hospital,” ang sinabi ni VP Sara.
Kinilala rin niya ang mga tumulong sa mga naospital na mga OVP official na sina chief of staff Atty. Zuleika Lopez at Special Disbursing Officer Gina Acosta.
“Nagpapasalamat din kami sa mga tao na nasa labas ng Veterans Hospital na nagbantay din sa mga pasyente. Malaking tulong ‘yun sa akin, ‘yung media, ‘yung mga tao na nagbabantay. Si Sen. Bato Dela Rosa na hindi talaga niya iniwan yung mga pasyente,” ayon kay VP Sara.
“Si Sen. Bong Go na nag-substitute sa akin dito ang laking tulong ninyong lahat sa akin dahil nakakagalaw ako, nagagawa ko pa rin yung mga iba kong kailangang gawin na mga trabaho,” dagdag na wika nito.
Sa kabilang dako, kapuwa naman na-discharged na sina Lopez at Acosta mula sa Veterans Memorial Medical Center, araw ng Sabado, Nobyembre 30. Kris Jose