Home NATIONWIDE 2023 BSKE opisyal nang nagtapos

2023 BSKE opisyal nang nagtapos

MANILA, Philippines – Opisyal na ngayong natapos ang 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) matapos makumpleto ng Commission on Elections (Comelec) ang canvassing ng mga balota sa lahat ng 42,001 barangay.

“100% complete voting and canvassing nationwide. No failure of elections,” sabi ni Comelec chairman George Garcia sa Viber message sa mga mamahayag.

Lahat ng nanalo sa BSKE ay naiproklama na rin maliban sa mga suspendido ng Comelec at mga may tie votes .

Idinaos ang BSKE nitong Oktubre 30 maliban sa pitong barangays sa Lanao del Sur at Samar na idinaos kinabukasan.

Nauna nang ipinaliwanag na ang election paraphernalia sa pitong barangay ay hindi dunating sa tamang oras nitong Oktubre 30.

Sa kabila naman ng mga ulat ng karahasan na may kaugnayan sa BSKe, sinabi ni Garcia na matagumpay ang halalan at sinabing walang eleksyon na perpekto.

Sinabi naman ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na ang BSKE ay “orderly and peaceful” sa labas ng karahasan na nakaapekto sa ilang komunidad sa rehiyon ng Bangsamoro.

Gayunpaman, ang PPCRV, sa isang naunang pahayag, ay nagsabi na naobserbahan nito ang mga iregularidad sa BSKE, kabilang ang mga insidente ng mga pekeng botante “na may ilang mga botante na dumating upang malaman na ang iba ay bumoto na sa kanilang lugar.”

Nauna nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mga nanalong kandidato ay dapat manungkulan sa loob ng tatlong linggong transition period. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)