MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador Grace Poe na daraan sa “butas ng karayom” ang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa flood control projects ilang linggo bago isumite ang National Expenditure Program (NEP) sa Kongreso.
Sinabi ni Poe na lubha nang lumala at paulit-ulit ang nararanasang pagbaha sa Metro Manila at karatig-lalawigan tulad ng Rizal at Bulacan sa kabila ng mahigit P297 bilyon ang inilaan sa flood control projects.
“The worsening flooding in Metro Manila appears not to complement the increasing budget we are allocating for flood control projects every year,” ayon kay Poe.
“Inanod na rin ba ng baha ang bilyon-bilyong pondo para sa flood mitigation?” tanong ng senadora.
Nitong Lunes, isang araw bago bayuhin ng bagyong Carina kasama ang Habagat ang bansa, ipinahayag ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na umabot sa mahigit 5,500 flood control projects ang natapos at marami pang ibang ginagawa sa buong bansa.
Ngunit, pagkalipas ng isang araw, binayo ng kambal na bagyong Butchoy at Carina kasama ang habagat na nagdulot ng malakas na ulan at nagpabaha sa Metro Manila kasama ang lalawigan ng Rizal at Bulacan. Maraming bahagi ng Kamaynilaan tulad sa Marikina, Caloocan, Maynila at San Mateo sa Rizal ang lumubog sa baha.
“With every downpour, our taxpayers are left shortchanged and wading through damaging and disease-carrying floods,” giit ni Poe.
Sinabi ni Poe na kanyang uungkatin sa deliberasyon ng badyet ng DPWH at MMDA ang ginawang flood control projects na tila inanod ng baha ang pondong nagastos sa proyekto.
“Sa darating na budget deliberation, dadaan sa butas ng karayom ang flood control budget ng DPWH, MMDA at iba pang ahensya,” babala ni Poe.
Nakatakdang isumite ng Department of Budget and Management ang 2025 National Expenditure Plan sa Kongreso sa Lunes, Hulyo 29.
Si Poe ang chairman ng Senate committee on finance kapalit ni dating Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara na itinalaga bilang kalihim ng Department of Education.
Naunang inihayag ni Senate President Chiz Escudero na nakatakdang iimbestigahan ang pagbaha saka kinuwestiyon ang naturang ahensya kung saan at paano naubos ang aabot sa P300 bilyong pondo sa flood control projects. Ernie Reyes