Home NATIONWIDE 2027 national budget, sinimulang himayin ni Lacson vs ‘pork barrels’

2027 national budget, sinimulang himayin ni Lacson vs ‘pork barrels’

1
0

MANILA, Philippines – Sa kabila nang mahigpit na schedule sa gawaing lehislatura,sinimulan ni Senador Panfilo Lacson ang paghimay at pagsusuri sa bawat items ng pambansang badyet na isinumite ng Palasyo sa Kongrso na aabot sa P7.2 trilyon sa 2027.

Ayon sa pahayag ni Lacson, masyadong masikip ang kanyang panahon sa pagsusuri ngunit minabuti nitong gawin ang tungkulin sa pambansang badyet upang makita nang malinaw ang lahat ng nilalaman nito.

Giit ni Lacson, tulad ng sa lahat ng nakaraang taon, masusing susuriin ang National Expenditure Program (NEP) upang matiyak na walang makakalusot na “pork” sa panukalang budget, kabilang ang mga kuwestiyonable, walang silbi at maaksayang gastusin.

“Sa ngayon, sinisimulan na namin ng staff na i-scrutinize ang NEP kasi na-transmit na ito. Pinasisimulan namin kalkalin o i-scrutinize ang NEP para sa 2027 budget,” aniya sa isang panayam sa DZBB radio.

Pinamumunuan ni Lacson ang Senate Committees on Public Order and Dangerous Drugs, Ways and Means, at Accounts.

Kasalukuyang masikip ang iskedyul ng Senado, kung saan idinaraos sa umaga ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio at plenary sessions naman sa hapon.

Ilang pagdinig ng mga komite naman ang itinakda sa Philippine International Convention Center (PICC) dahil sa kakulangan ng espasyo sa gusali ng Senado.

Nagpahayag si Lacson ng kumpiyansa na ang adbokasiya niya para sa budget transparency, kasama ang mga reporma na ipinatupad noong nakaraang taon ni Senate finance committee chairman noon at ngayo’y Senate President Sherwin Gatchalian, ay makatutulong upang higit pang matiyak ang transparency sa proseso ng pagbubuo ng budget.

Sa mga deliberasyon sa budget noong nakaraang taon, nanawagan si Lacson na alisin ang “leadership fund” matapos aminin ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan ang pagkakaroon nito nang ginisa siya sa isang pagdinig ng Blue Ribbon Committee tungkol sa flood control scandal noong Setyembre. Si Lacson ang namuno sa Blue Ribbon panel noong panahong iyon.

Binanggit naman ni Lacson ang mga hakbang na ipinatupad ni Gatchalian, kabilang ang pagsasahimpapawid at livestream ng mga pagdinig ng bicameral conference committee, bilang malaking hakbang tungo sa transparency.

Dagdag niya, bagama’t may mga pagkakataong hindi nakuhanan ng livestream ang mga side discussion ang mga mambabatas habang may mga break, malaking pagbabago pa rin ito kumpara sa mga nakaraang taon kung saan sarado sa publiko ang mga pagdinig ng bicameral conference committee.

“At least mabuti yan kesa dati na third chamber, usap-usap lang small bicam lang,” aniya.

Nagpahayag din si Lacson ng kumpiyansa na magpapatuloy si Senate finance committee chairman Jose Victor “JV” Ejercito, na mamumuno sa deliberasyon ng Senado sa budget, sa mga pagsisikap na matiyak ang transparency.

Samantala, muling iginiit ni Lacson ang pangangailangan para sa mga district representative na manatiling nakaayon sa mga pangangailangan at prayoridad ng kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa pagbubuo ng local development plans ng mga local development council, sa halip na umasa sa mga insertion kapag nasa Kongreso na ang NEP.

“Hindi nasusunod (ang proseso) kasi walang gana ang congressmen mag-attend ng local development councils sa pagbalangkas ng local development plans kasi iniisip nila darating naman sa Congress yan, (pwedeng mag-) insert dito, insert doon. May disconnect between the actual needs and priorities ng LGU at lumabas sa budget. Ang laki ng disconnect,” aniya.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here