MANILA, Philippines – Patay ang isang 21-anyos na babae matapos itong tamaan ng ligaw na bala mula sa isang police operation laban sa isang wanted person sa Surigao City.
Ayon sa impormasyon, nangyari ang insidente Lunes ng gabi, Setyembre 30 habang nagsasagawa ng surveillance operation ang pulisya laban sa isang suspek na wanted sa pagpatay.
Ani Police Major June Hontanosas, Officer in Charge ng Police Community Affairs and Development Unit (PCADU), napansin ng suspek ang mga pulis at sinubukan nitong bumunot ng baril kaya inunahan na ito ng mga operatiba.
Agad na nakatakas ang suspek at tinamaan ng bala ang babaeng biktima, na inaalam pa kung bakit naroon sa lugar nang mangyari ang operasyon.
Dahil sa pangyayari, posibleng maharap sa administrative charges ang dalawang pulis.
Wala pang pahayag ang pamilya ng biktima sa insidente. RNT/JGC