GAZA — Umabot sa 21 Palestino, kabilang ang anim na bata, ang nasawi sa tank shelling at airstrike ng Israel sa Gaza nitong Miyerkules, Pebrero 4, ayon sa mga opisyal ng kalusugan, na muling nagpapahina sa umiiral na tigil-putukan sa lugar.
Kabilang sa mga nasawi ang isang medic na rumesponde sa unang pag-atake sa Khan Younis ngunit napatay sa ikalawang strike sa parehong lokasyon, ayon sa health officials.
May mga iniulat ding pag-atake sa Gaza City sa hilaga kung saan nasawi ang isang limang buwang gulang na sanggol.
Nangyari ang mga pag-atake tatlong araw matapos muling buksan ng Israel ang Rafah border crossing patungong Egypt, isang mahalagang bahagi ng kasunduang tigil-putukan na suportado ng Estados Unidos.
“Habang natutulog kami, pinaputukan ng tangke ang aming bahay. Wala kaming kasalanan, mga ordinaryong mamamayan lang kami,” pahayag ni Abu Mohamed Habouch habang inihahatid sa libing ang kanyang mga kaanak na nasawi.
Wasak din ang ilang tent sa Mawasi, isang coastal area malapit sa Khan Younis na tinutuluyan ng libo-libong lumikas dahil sa digmaan.
Halos buong populasyon ng Gaza na mahigit dalawang milyon ay napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.
Ayon sa Israeli military, isinagawa ang mga pag-atake bilang tugon sa umano’y putok ng mga militanteng Palestino laban sa mga sundalong Israeli malapit sa armistice line. Isang Israeli soldier umano ang malubhang nasugatan sa insidente.
Giit naman ng Hamas, nilalabag ng Israel ang kasunduan sa tigil-putukan at nanawagan ito ng agarang pandaigdigang presyon upang mapahinto ang mga pag-atake.
Samantala, pansamantalang naantala ang pagdaan ng mga pasyenteng Palestino patungong Egypt sa Rafah crossing dahil umano sa kakulangan ng koordinasyon, ayon sa Israeli agency na COGAT. Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang World Health Organization hinggil dito.
Sa kabuuan, umabot na sa 29 ang bilang ng mga Palestinong nasawi mula nang muling buksan ang border crossing, batay sa tala ng mga opisyal ng kalusugan sa Gaza.
Mula nang ipatupad ang tigil-putukan, hindi bababa sa 530 Palestino—karamihan ay sibilyan—ang napatay sa mga pag-atake ng Israel, habang apat naman ang nasawing sundalong Israeli, ayon sa kani-kanilang awtoridad. RNT/JGC