Home METRO 217 pamilyang biktima ng sunog tumanggap ng ayuda sa Paranaque LGU

217 pamilyang biktima ng sunog tumanggap ng ayuda sa Paranaque LGU

Pinagkalooban ng tulong ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang 217 pamilya na naapektuhan ng sunog na sumiklab nitong nakaraang Martes ng gabi sa Barangay San Isidro sa lungsod.

Pinangunahan nina Mayor Eric Olivarez, Congressman Edwin Olivarez, at Councilor Paolo Olivarez ang pamamahagi ng ayuda sa mga pamilyang nasunugan na sa kasalukuyan ay pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng Area I, United Parañaque Subdivision (UPS)-V.

Namahagi sa mga nasunugang pamilya ang lokal na pamahalaan ng mats, blankets, damit, hygiene kits, food packs pati na rin ng tulong pinansyal.

Bukod sa ipinagkaloob na tulong ng lokal na pamahalaan ay nagbigay din ng ayuda ang tanggapan ni Councilor Paolo Olivarez gayundin ang Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR).

Matatandaan na noong nakaraang Martes ay nilamon ng apoy ang mga dikit-dikit na bahay na gawa lamang sa light materials sa squatter’s area sa Luba St., Lovewind Compound, United Paranaque (UPS)–5 na nagsimula ng 7:02 ng gabi at naideklarang fire out dakong alas 3:17 ng madaling araw.

Umabot ng P800,000 ang pinsala ng mga nasunog na ari-arian habang patuloy pa ring iniimbestigahan kung ano dahilan o pinagmulan ng apoy. (James I. Catapusan)

Previous articleTots nanguna sa panalo ng Creamline sa Akari
Next articleUnang gold sa Asian Age Group Championship nasungkit ng Pinas