MANILA, Philippines – TINATAYANG may 23 katao ang napaulat na nasawi dahil sa matinding epekto dala ng Southwest Monsoon (Habagat) at tropical cyclones Luis at Maymay.
Makikita sa data ng Office of the Civil Defense (OCD), na may 23 katao ang nasawi, 15 mula sa Benguet. Sinundan ng Rizal at Batangas na may tatlo mula sa bawat lalawigan. Isa ang naitalang nasawi sa Quezon Province.
Ang dahilan ng pagkasawi ay landslides, pagkalunod, rockslide, bumagsak na mga puno at nakuryente.
Samantala, may 17 katao naman ang napaulat na nasugatan dahil sa pinagsamang epekto ng weather disturbances. Naitala ito sa Ilocos Sur, Benguet, Abra, Rizal, at Cavite.
Idagdag pa rito, nakapagtala rin ang mga awtoridad ng nawawalang indibiduwal. Ang lahat ng ito’y mula sa Batangas.
Makikita naman sa impormasyon mula sa OCD, naapektuhan ng weather disturbances ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Metro Manila, at MIMAROPA.
May kabuuang 1,410,800 pamilya o 4,903,086 katao ang apektado.
Sa 407 evacuation centers, mayroong 9,101 pamilya o 31,456 katao ang naghahanap ng pansamantalang matutuluyan.
Napinsala ng Habagat at dalawang bagyo ang 1,845 bahay at 178 mula sa nasabing bilang ay ‘totally destroyed.’
Idagdag pa rito, ang financial damage sa agrikultura ay umabot na sa P689,662,316. KRIS JOSE