Home NATIONWIDE 24/7 operation directive ni PBBM ‘very responsive’ sa business sector – BOC

24/7 operation directive ni PBBM ‘very responsive’ sa business sector – BOC

MANILA, Philippines – Epektibong tumugon sa pangangailangan ng business sector ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “round-the-clock operation” ng Bureau of Customs (BOC).

“And, of course, the Bureau of Customs supports this very brilliant idea by the President and his order to implement a 24/7 processing of all imported shipment by the Bureau of Customs,” sinabi ni BOC Assistant Commissioner Philip Maronilla sa public briefing.

Noong Hunyo 6 ay ipinag-utos kasi ni Marcos sa BOC at Department of Agriculture na magpatupad ng 24/7 deployment ng mga team upang masiguro ang uninterrupted shipment process sa buong bansa.

Ang direktiba ng Pangulo ay bilang tugon sa rekomendasyon ng Private Sector Advisory Council (PSAC) para sa BOC at DA na magkaroon ng shifting schedule at masiguro ang 24/7 operations sa mga serbisyo ng pamahalaan na may kinalaman sa logistics at supply chains.

“So, dapat din po iyong ibang ahensiya at iba pong private entities that are involved in the release of goods should adapt so that tuluy-tuloy po iyong paglabas ng mga shipment na ito,” ani Maronilla.

Aniya, dapat ay irebisa ng mga ahensya ng pamahalaan at pribadong opisina ang kanilang mga schedule upang makaayon sa 24/7 shift sa pagproseso ng BOC.

Sinabi pa ni Maronilla na nakapaghanda na ang BOC ng sarili nitong schedule sa pamamagitan ng skeletal force upang makapagsagawa pa rin ng transaksyon ang mga importer kahit na holiday o weekend.

“At the same time, mas mapapaganda rin, matutulungan natin iyong ating mga importers pagdating sa pagpaplano ng kanilang mga imported articles.” RNT/JGC