Home NATIONWIDE 24/7 threat monitoring center inilunsad kontra online disinformation

24/7 threat monitoring center inilunsad kontra online disinformation

MANILA, Philippines- Inilunsad na ng inter-agency ‘Task Force KKK (Katotohanan, Katapatan, Katarungan) sa Halalan’, araw ng Biyernes ang bagong threat monitoring center na ang layunin ay labanan ang online disinformation at iba pang election violations.

Sa launching ceremony sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) office sa Diliman, Quezon City, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz na hangad ng pasilidad na protektahan ang integridad ng eleksyon.

“Elections are the bedrock of democracy. President Ferdinand R. Marcos Jr. has issued a directive to make this election clean and fair. It aims to safeguard the integrity of the 2025 national and local elections,” ang sinabi ni Ruiz.

Winika pa nito na may mga ulat ang foreign state-sponsored groups na nagtatangkang impluwensyahan ang eleksyon sa bansa.

“Lalo tayong mag-ingat dahil eleksyon po ito. Ang pino-protektahan natin dito ay boto ng bawat Pilipino. Magkaisa po tayo, labanan natin ang fake news,” ang sinabi ni Ruiz.

Ang mga analyst mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay nakapirmi sa pasilidad at may atas na mangalap ng report ukol sa disinformation o ‘fake news,’ malicious artificial intelligence (AI)-generated content, at iba pang election violations sa ilalim ng Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 1164.

Matapos mangalap ng report, gagamitin ng mga ito ang kanilang tools para idetermina kung ang online post ay mali at itinuturing na isang paglabag.

Ang mga report ng vote-buying ay sinasabing kagyat ng tutugunan sa loob lamang ng isang oras, ang isang AI-generated content ay natuklasan sa loob lamang ng ilang minuto gamit ang software tools, habang ang disinformation posts ay pupunahin, at ang kahilingan na pagpapababa ay ipadadala sa wastong digital platforms.

Sa ngayon, ang Task Force KKK ay katuwang ng Meta, Google, TikTok, X, at iba pang online platforms para sa mabilisang paglansag ng misinformation.

Sa kaso naman na naipakalat na ang disinformation, nagpalabas naman ng kalatas ang task force na pinabubulaanan ang mga maling salaysay.

Sa kabilang dako, nilinaw ni Comelec Commissioner Nelson Celis na ang posts na hindi makikitaan ng paglabag sa Resolution No. 1164 ay hindi aalisin bilang paggalang sa freedom of speech.

“Ang online disinformation as an election offense ay may penalty of one to a maximum of six years imprisonment. Kaya kayong mga troll farms magtago-tago na kayo. Meron kaming tools para ma-trace ang origin ng mga posts na yan,” ang sinabi ni Celis.

Idagdag pa rito ang pagsisikap ng Comelec na labanan ang online disinformation sa halalan na nagsimula noong 2023 bilang ‘Task Force Kontra Fake News.’

Samantala, sinabi naman ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang 24/7 threat monitoring center ay patunay na kumikilos ang gobyerno at nagkakaisa kapag nakataya na ang katotohanan.

“Ito ay isang real time digital command post na handang tukuyin, pigilin at tapusin ang online misinformation and disinformation,” ang sinabi ni Castro. Kris Jose