Home HOME BANNER STORY 16-anyos kinatay, bangkay isinilid sa maleta sa Bulacan

16-anyos kinatay, bangkay isinilid sa maleta sa Bulacan

UPDATE – Isang bangkay ng babaeng menor de edad ang natagpuang nakasilid sa maleta na palutang-lutang sa ilog sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Sa report, ang bangkay ay isang 16-anyos na dalagitang napaulat na isang linggo ng nawawala.

Ayon sa report ng SJDM police station, natuklasan ang palutang-lutang na bangkay bandang 6:30 ng gabi nitong February 13 sa Sapang Alat River, Pleasant View Residences, Brgy. Graceville.

Nabatid na isang tawag ang natanggap ng pulisya na may nakakasulasok na amoy mula sa isang maleta sa naturang ilog kaya agad silang rumesponde.

Nang buksan ang maleta ay tumambad sa kanila ang namamagang bangkay na umanoy may marka ng mga sugat at may butas sa leeg, ayon na rin sa kaanak.

Sinasabing nagpaalam ang biktima sa kanyang pamilya nitong gabi ng February 7 na pupunta sa kanyang kaibigan na nagpapasundo sa kanya dahil binubugbog umano ng asawa.

Simula nang umalis sa bahay ay hindi na makontak ang biktima hanggang sa nakita na lamang ang kanyang bangkay sa loob ng maleta na palutang-lutang sa naturang ilog.

Sinasabing may mga person of interest na ang mga pulisya sa naturang krimen. (Dick Mirasol III)