Home TOP STORIES 25% ng Navotas Sanitary Landfill, wala nang sunog

25% ng Navotas Sanitary Landfill, wala nang sunog

60
0

MANILA, Philippines – NASA 25% na ng 40-ektaryang Navotas Sanitary Landfill ang tuluyang naapula ang apoy matapos ang tuloy-tuloy na pagdating ng supply ng lupa sa pamamagitan ng barge transport.

Ayon kay Navotas City Mayor John Rey Tiangco, malaki ang naging progreso sa pag-apula ng apoy sa pamamagitan ng soil covering at compaction operations, matapos ang sabay-sabay na pagde-deploy ng lahat ng mga bulldozers nitong araw ng Linggo matapos dumating ang mga dagdag na heavy equipment noong araw ng Sabado.

Nakatutok aniya sila mula umaga hanggang gabi sa mga hakbang na ginagawa upang tuluyang matigil ang apoy, katuwang ang Japan International Cooperation Agency (JICA), Department of Public Works and Highways (DPWH), at iba pang ahensiya at indibidwal.

Hindi naman makapagbigay pa ng takdang panahon ang alkalde kung kailan tuluyang maapula ang apoy lalo na’t nagbigay ng rekomendasyon ang JICA na ituon ang pag-apula sa mga dalisdis ng landfill mula ibaba, pataas, dahil sa mga bahaging ito pangunahing pumapasok ang oxygen.

Bagama’t bahagya nang gumanda ang kalidad ng hangin sa lungsod, pinapayuhan pa rin ni Mayor Tiangco ang mga kababayan na magsuot ng face mask kapag lumabas ng bahay, lalo na ang mga bata, matanda, buntis, may hika, at mga may sakit sa baga. JOJO RABULAN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here