ZAMBOANGA CITY, Philippines – Arestado ang isang 27-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680,000 sa buy-bust operation nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 12.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 9 Director Bryan Babang ang suspek sa alyas na “Kol,” may asawa at residente ng Barangay Sta. Barbara sa lungsod.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-8:40 ng gabi sa Don Alfaro Street, Barangay Tetuan, ng mga operatiba ng PDEA-9 Zamboanga City Office, Zamboanga City Police Office–City Drug Enforcement Unit at Police Regional Mobile Force Battalion 9.
Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang heat-sealed plastic pack na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 100 gramo.
Narekober din ang buy-bust money, isang puting paper bag, cellphone at driver’s license.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng pagbebenta ng ilegal na droga. RNT/MDS