Home HOME BANNER STORY 27 Pinoy crew ligtas sa pinakabagong atake ng rebeldeng Houti

27 Pinoy crew ligtas sa pinakabagong atake ng rebeldeng Houti

(c) Peter Beentjes

MANILA, Philippines – Matapos ang tatlong beses na pag-atake ng Houti rebels, ligtas at patuloy na naglalayag ang Liberian-flagged Greek owned operated cargo carrier M/V Transworld Navigator, sinabi ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac nitong Lunes.

Sakay ng M/V Transworld Navigator ang 27 Filipino crew nang tinamaan ng tatlong beses ng mga rebeldeng Houthi, gamit ang uncrewed surface vessel (USV) ngunit naipagpatuloy ang paglalayag nito.

Sinabi ni Cacdac na ito ang ika-apat nang pag-atake sa mga shipping vessel na may mga Filipino crew na naglalayag sa Red Sea at Gulf of Aden.

“Pang apat na ito, meron yung na hostage na hanggang ngayon ay naka-hostage pa rin sila, yung isa naman tinamaan, dalawa yung nasawi, at yung pangatlo yung Tutor, ito yung may isang nawawala although ligtas yung 21,” sabi ni Cacdac.

Sinabi ng migrant secretary na ligtas na ang 27 Filipino crew ng M/V Transworld Navigator ngunit hindi binanggit ang kanilang lokasyon.

Maari aniya silang i-repatriate sa oras na nasa ligtas na silang daungan.

Ang kanilang pamilya ay naabisuhan na rin tungkol sa insidente.

Inako ng Houthi rebels ang pag-atake sa M/V Transworld Navigator at sa isa pang barko, Stolt Sequoia sa Indian Ocean gamit ang mhga cruise missiles.

Matatandaan na sinusuri ng DMW ang mga patakaran para matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino seafarer sa mga barkong tumatawid sa mga high-risk areas (HRAs).

Matagal na ring nananawagan ang DMW sa mga ship owner na i-divert ang kanilang biyahe at kung hindi naman maiiwasan ay magtalaga ng maritime security escort at armed guards on board.

Sinabi rin ng DMW na bigyan ng pagkakataon ang mga seafarer ng “right to refuse “ o karapatan na tumanggi na maglayag sa mga delikadong karagatan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)