Home NATIONWIDE 29 kawani ng BOC, promoted!

29 kawani ng BOC, promoted!

1
0

MANILA, Philippines – Itinaas sa mas mataas na posisyon ang 29 na tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa unang linggo pa lamang ng panunungkulan ni Commissioner Charlito Martin R. Mendoza upang punan ang mahahalagang bakanteng posisyon sa iba’t ibang tanggapan at pantalan ng ahensya.

Ayon kay Mendoza, isinagawa ang promosyon batay sa kakayahan at performance ng mga empleyado at hindi dahil sa koneksyon o palakasan.

Binigyang-diin ito ng opisyal sa kanyang unang flag-raising ceremony bilang pinuno ng BOC, kung saan nangako siyang paiiralin ang patas na sistema sa promosyon, pagtatalaga at pagkuha ng mga bagong kawani.

Sinabi ni Mendoza na dumaan sa pagsusuri ng Human Resource Merit Selection Board ang 29 na kawani upang matiyak na natutugunan nila ang mga kwalipikasyon para sa kani-kanilang posisyon, alinsunod sa mga patakaran ng Civil Service Commission (CSC).

Kabilang sa mga posisyong napunan ang Customs Operations Officer V, Customs Operations Officer III, Attorney III at Information Technology Officer II.

Binigyang-diin din ni Mendoza ang pangangailangang pasimplehin at pabilisin ang proseso ng promosyon at pagkuha ng mga bagong empleyado sa ahensya.

Nauna na niyang inatasan ang Internal Administration Group na repasuhin ang umiiral na mga proseso upang matiyak na agad na mapupunan ang mga bakanteng posisyon.

Magtatalaga ang mga na-promote na kawani sa Port of Manila, Manila International Container Port, Ninoy Aquino International Airport, Port of Cebu, Port of Iloilo at Management Information Systems and Technology Group.

Ayon kay Mendoza, inaasahang mapalalakas ng pagpuno sa mga bakanteng posisyon ang hanay ng mga kawani ng BOC at masusuportahan ang patuloy na pagpapatupad ng mga pangunahing tungkulin nito sa pangongolekta ng buwis, pagbabantay sa mga hangganan at pagpapadali ng kalakalan.

Muli niyang iginiit na ang kakayahan at maayos na pagganap sa trabaho ang magiging batayan ng pag-angat ng mga empleyado sa Bureau of Customs. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here