MANILA, Philippines — Tinapos na ng Iglesia ni Cristo nitong Huwebes ng gabi ang tatlong araw na kilos-protesta nito matapos sabihin na naiparating na nila sa mga kinauukulan ang kanilang mensahe bilang suporta kay Sen. Rodante Marcoleta, na posibleng maharap sa kasong plunder kaugnay ng umano’y hindi idineklarang campaign donations.
Nagsimula ang protesta sa People Power Monument sa Quezon City noong Martes at lumipat sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Huwebes. Nagsagawa ng pagkilos ang grupo matapos ihayag na handa na ang Office of the Ombudsman na magsampa ng plunder complaint laban kay Marcoleta, na miyembro ng INC, kaugnay ng umano’y hindi idineklarang cash gifts.
Nagdulot ng matinding trapiko sa Epifanio Delos Santos Avenue ang unang araw ng kilos-protesta.
“Naniniwala tayo na naiparating nating malinaw sa mga kinauukulan ang ating mensahe. Loobin nawa ng Diyos na maghari ang tunay na katarungan sa ating minamahal na bansa,” pahayag ni INC spokesperson Brother Edwil Zabala nitong Huwebes ng gabi.
“Kung paanong mapayapa, maingat at maayos tayong naglakbay, papunta rito nawa ay gayundin sa ating pag-uwi,” ani Zabala sa pag-anunsyo ng pagtatapos ng protesta.
Nagpasalamat din si Zabala sa mga tagapagsalita, awtoridad, at mga ahensiyang nagpahintulot na magpatuloy ang rally at makapagtipon ang mga kalahok.
Ayon sa Manila Police District, umabot sa humigit-kumulang 8,200 ang bilang ng mga kalahok dakong alas-8 ng gabi.
Bago nagtapos ang programa, hinimok ni Sen. Robinhood Padilla ang publiko na maging mapagbantay sa interes at motibo ng mga pinuno ng bansa.
“Isantabi niyo yung religion kasi we are one,” ani Padilla.
Nagsalita rin si dating Presidential Spokesperson Salvador Panelo at binatikos ang ilang opisyal ng gobyerno na aniya’y nalulong sa kapangyarihan.
“Nalalasing sila sa kapangyarihan, nagpapakasasa sila pawis ng mga kababayan natin. Nagliliwaliw,” ani Panelo.
Iniulat naman ng Philippine National Police na naging “orderly” ang pagtatapos ng rally sa Liwasang Bonifacio. Ayon kay PNP chief Police Gen. Jose Nartatez Jr., nagtapos dakong alas-7 ng gabi ang assembly na nagsimula sa Quezon City.
“While minor incidents were recorded during the first day of the activity and were promptly addressed in accordance with existing laws and established operational procedures, the second and third days of the public assembly were generally peaceful and orderly,” ayon sa PNP.
“We likewise thank the organizers, participants, motorists, commuters, and the general public for their cooperation, patience, and respect for public order,” dagdag pa ng PNP. RNT