BATAAN- Kalaboso ang tatlong indibidwal matapos makumpiskahan ang mga suspek ng umano’y mga iligal na baril sa ikinasang serye ng magkahiwalay na operasyon ng pulisya kontra loose firearms sa naturang lalawigan.
Batay sa ulat kay Central Luzon Police Director Brigadier General Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ng pulisya ang mga nadakip na suspek na sina alyas “JM”, “Ter” at Dad” na pawang mga nasa wastong gulang.
Sa bisa ng Search Warrant, naaresto ang mga suspek makaraang madiskubre ng mga awtoridad sa ginawang paghahalughog sa mga lugar na tinutuluyan ay nahulian ang mga ito na nag-iingat ng mga hindi lisensiyadong baril.
Naaresto ng pulisya ang suspek na si alyas “JM” na nakumpiskahan ng isang kalibre 45 na baril, magazine at anim (6) na bala at isa pang magazine ng 9mm at siyam (9) na bala sa Barangay Alangan, Limay.
Habang nakumpiskahan naman si alyas “Ter” ng isang kalibre 38 na revolver at mga bala at isang pakete ng suspected shabu na may standard drug price na higit sa P4,000 sa Barangay Sabang, Morong, Bataan.
Nakumpiska naman kay alyas “Dad” ang isang kalibre 38 na baril at limang bala nito sa Barangay Pantalan Luma, Orani, Bataan.
Nasa kustodiya na nang pulisya ang mga naarestong suspek na nahaharap Illegal Possession of Firearms and Ammunitions at ang Dangerous Drug Law ang isa sa mga ito. ROEL TARAYAO