TUMAUINI, Isabela – Tila nagunaw na ang mundo ng mga magulang habang pinaglalamayan ngayon ang tatlong batang mag-aaral matapos malunod sa bahagi ng Cagayan River sa Brgy. Annafunan dito sa nasabing bayan.
Kabilang sa mga biktima ay isang 8-anyos na Grade 3, isang 9-anyos na Grade 4 at isang 10-anyos na Grade 5 at pawang mga residente ng nasabing lugar.
Bandang alas-5:00 ng hapon kahapon, Disyembre 3 nang makatanggap ng tawag mula sa concerned citizen ang himpilan ng Tumauini Police Station kaugnay sa nangyaring pagkakalunod ng mga biktima.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga otoridad, nagkayayaang maligo sa ilog ang mga biktima at habang sila’y naglalangoy, bigla na lamang silang naanod dahil na rin sa lakas ng agos ng tubig.
Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Rescue 811 ng Tumauini at kalauna’y humingi ng tulong sa Provincial Rescue team.
Samantala, nahanap din ng mga rescuers ang katawan ng mga biktima ng bandang alas 6:00 kagabi doon din sa ilog Cagayan sa nasabing bayan subalit sila ay idineklara nang patay ng sumuring doktor. REY VELASCO