MANILA, Philippines – Inihanda ng Philippine Army (PA) ang 1st, 6th, at 11th Infantry Divisions upang tiyakin ang seguridad sa unang Bangsamoro parliamentary elections sa Setyembre, ayon kay Lt. Gen. Antonio Nafarrete, PA commanding general.
Sinabi niya na bumaba na nang malaki ang banta ng lokal na terorismo sa rehiyon, kaya kumpiyansa ang militar sa mapayapang eleksyon.
Ipinahayag ni Nafarrete na ang dating malakas na Abu Sayyaf Group (ASG) ay neutralized na sa Sulu at Basilan, habang limitado na rin ang natitirang pwersa ng Dawlah Islamiyah at Maute Group sa Lanao del Sur at Maguindanao.
Dagdag pa niya, karamihan sa karahasan sa BARMM ngayon ay sanhi na lamang ng rido o family feuds, kaya nakatuon na rin ang Army sa pagkolekta ng loose firearms.
Patuloy ang koordinasyon ng Army sa local government units (LGUs), PNP, at sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) para maiwasan ang recruitment ng natitirang lawless elements at masiguro ang seguridad gamit ang “whole-of-nation” approach. RNT/MND