MANILA, Philippines – Tatlong Japanese nationals at isang Filipina ang inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group–National Capital Region (CIDG-NCR) dahil sa umano’y pagpapatakbo ng fixed-marriage scheme na ginagamit upang makapagpasok ng mga kabataang Pilipina sa Japan.
Nahuli ang apat na suspek sa isang restaurant habang ipinagdiriwang ang kasal ng isang Filipino-Japanese couple.
Ayon kay CIDG-NCR chief Police Col. John Guiagui, nagsimula ang operasyon matapos magreklamo ang isang Filipina na inalok umano ng magandang buhay at trabaho sa Japan kapalit ng pagpapakasal sa isang dayuhan.
Kinilala ng nagreklamo ang Filipina na umano’y recruiter at dalawang Japanese national na pinaniniwalaang may-ari at manager ng isang club sa Japan.
Batay sa paunang imbestigasyon, target umano ng grupo ang mga Pilipinang edad 18 hanggang 21. Binabayaran din umano ang mga Japanese national upang pakasalan ang mga babaeng nire-recruit.
Sa ganitong paraan, makapapasok at makapamamalagi umano ang mga Pinay sa Japan bilang asawa ng Japanese citizen sa halip na gumamit ng working visa.
Gayunman, sa halip na magandang trabaho ang ipinangako sa kanila, sa mga bar at nightclub umano sila dadalhin upang magtrabaho pagdating sa Japan, ayon sa pulisya.
Dahil sa posibilidad na may iba pang Filipinang na-recruit sa naturang pamamaraan, patuloy na iniimbestigahan ng CIDG ang lawak ng operasyon at kung may mga kababayang nangangailangan ng tulong o pagsagip.
Nahaharap ang apat na suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10906 o Anti-Mail Order Spouse Act of 2016.
Nagbabala naman ang CIDG sa publiko laban sa mga alok na pagpapakasal sa mga dayuhan kapalit ng pangakong trabaho at magandang buhay sa ibang bansa. Dave Medina