Home METRO 3 karagdagang Academic Centers, itatayo sa Valenzuela

3 karagdagang Academic Centers, itatayo sa Valenzuela

MANILA, Philippines – PANGARAP na gawing “Reading City” ang lungsod, mismong si Valenzuela City Mayor WES Gatchalian ang nanguna sa isinagawang groundbreaking at capsule-laying ceremonies para sa tatlong karagdagang Valenzuela City Academic Center for Excellence (ValACE) na itatayo sa Barangay Gen. T. de Leon, Marulas at Mapulang Lupa.

Ang tatlong itatayong proyekto ay naglalayong magbigay ng mas malapit at madaling puntahan ng mga mag-aaral na mga Valenzuelano.

Ang mga gusaling pang-akademiko ay mayroon isang mini library, study Hall na may mga self-study cubicle, communal review lounge, computer laboratory, 50-seating capacity training room, 80-100 pax capacity multi -purpose hall, cafeteria, administrative office, at parking area.

Ang proyektong ito ng pagpapalawak ng mga gusali ng ValACE sa buong Valenzuela na tugon sa lumalaking pangangailangan ng lungsod upang matugunan ang kakulangan ng mga pampublikong pasilidad sa pag-aaral.

Sa kanyang mensahe, iginiit ni Mayor WES ang kahalagahan ng mga proyektong ito para sa mga mag-aaral ng Valenzuelano.

“Ang pangarap po natin dito sa Valenzuela ay maging ‘Reading City’ kung saan makapagbubuo tayo ng mga ‘literate communities’ sa bawat barangay at kung saan maibababa po natin ang culture of studying and reading again”, paliwanag ng alkalde.

Para sa lungsod, ang library ay itinayo upang itaguyod ang panghabambuhay na pag-aaral at literacy para sa lahat at bumuo ng isang rebolusyonaryong espasyo sa pag-aaral na naa-access, maaasahan at may espesyal na layunin upang tulungan ang mga mag-aaral na maabot ang kanilang mga pangarap.

Sa amicable service nito sa mga mag-aaral, kinilala ang city library para sa Gawad Pampublikong Aklatan (Most Inclusive and Innovative Programs) na iginawad ng National Library of the Philippines.

Samantala, bukas naman sa publiko ang ValACE sa Barangay Malinta at libreng pagbibigay ng mga programa at serbisyong pang-edukasyon. R.A Marquez

Previous articleDating PH envoy to UN Lauro Baja Jr., pumanaw na
Next articleMahigit 30 baboy sapul sa ASF sa Cagayan