Home METRO Mahigit 30 baboy sapul sa ASF sa Cagayan

Mahigit 30 baboy sapul sa ASF sa Cagayan

MANILA, Philippines – Tinamaan ng African Swine Fever (ASF) ang nasa 33 baboy sa bayan ng Peñablanca at Alcala, Cagayan ayon sa huling datos ng Provincial Veterinary Office (PVET) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Sinabi ni Dr. Myka Ponce, Veterinarian II ng PVET, na isinailalim na sa culling ang 12 na baboy sa Nabbabalayan, Peñablanca matapos makitaan ng sintomas ng ASF na pagmamay-ari ng dalawang hog raisers.

Natukoy din na 17 baboy sa Centro Sur, Alcala ang nagkaroon ng sakit na ASF at apat na baboy sa Tupang, Alcala.

Apektado rito ang walong hog raisers sa mga nasabing barangay.

Ayon sa PVET, agad na ipinatupad sa mga apektadong lugar ang pagbabawal sa pagpasok at paglabas ng mga buhay at karne ng baboy upang maiwasan ang pagkalat ng ASF.

Nagsagawa rin ng massive disinfection sa mga lugar na apektado at blood collection samples sa mga karatig na lugar.

Nagpaalala ang PVET sa mga hog raiser na agad iulat sa Municipal Agriculturist Office (MAO) kapag nakitaan ng sintomas ng ASF ang kanilang mga alagang baboy.

Ang mga sintomas ng ASF ay pamumula ng balat, agarang pagkamatay, panghihina o hindi makatayo, abortion sa mga inahin, at kapag hindi na kumakain ang baboy. RNT/JGC

Previous article3 karagdagang Academic Centers, itatayo sa Valenzuela
Next articleAgusan del Sur niyanig ng M-5.9 na lindol