BATANGAS, Philiippines – Matagumpay na nailigtas ng Philippine Coast Guard ang tatlong diver na taga South Korea malapit sa Isla Verde, Batangas, matapos hindi na sila makaahon sa inaasahang oras habang nagsasagawa ng diving activity sa Canyon Reef, Barangay Sinandigan, Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Matapos matanggap ang ulat, agad na nakipag-ugnayan ang Coast Guard Sub-Station Puerto Galera sa Philippine National Police Maritime Group, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Puerto Galera, mga lokal na dive operator, at iba pang responder.
Natagpuan ang tatlong diver sa layong 3.12 nautical miles hilagang-kanluran ng Barangay San Agustin, Isla Verde, Batangas, matapos makakita ng kumikislap na ilaw ang crew ng M/V FastCat M19.
Isang babaeng diver ang nailigtas ng barko, habang dalawang lalaking diver naman ang narekober ng Paradise Diving Boat 4.
Ligtas naidala ang lahat sa Barangay Sabang, Puerto Galera at matapos suriin, nasa maayos at ligtas na kalagayan sila.
Pinuri ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan ang mabilis na koordinasyon ng mga responder. Binigyang-diin niya ang pangako ng PCG sa programang Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement o iCARE at sa misyon nito na protektahan ang buhay sa karagatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden