MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong lalaki sa Caloocan City sa umano’y modus nito na gumagamit ng mga babaeng prostitute para makapagnakaw sa mga biktima.
Nakita sa CCTV footage ang mga suspek na dinala ang isang biktima sa madilim na bahagi ng garahe sa Barangay 78 sa Caloocan City.
Agad na tumakas ang mga suspek ngunit naaresto ng mga tauhan ng Northern Police District matapos makatanggap ng tip.
“Ang unsuspecting victim ay aalokin ng sex ng babae. Kapag kumuha yung lalaki ng babae, biglang may mga darating na lalaki, hoholdapin na ngayon ‘yung biktima,” pahayag ni NPD district director Police Brigadier Gen. Jerry Protacio sa panayam ng GMA News.
“Darating po sila, magpapa-kilalang asawa, ima-mob na po nila, hoholdapin na po nila,” ayon naman kay P/Col. Mike Gomez ng NPD special operations group.
Karamihan sa mga biktima ay hindi nagsusumbong patungkol sa insidente.
“Bakit yung ibang kalalakihan ay ayaw nang pumunta sa kapulisan? Dahil nga pumatol kasi sila sa mga prostitute. Halimbawa na haharap sila sa kapulisan at ire-report nila kung ano ang nangyari, ayun ang malalaman ng kanilang asawa at lalong mas mabigat ang problema,” sinabi naman ni Police Col. Angelito De Juan ng NPD investigation division.
Ang mga suspek ay sumailalim na sa inquest proceedings at tumangging magbigay ng komento. RNT/JGC