MANILA, Philippines – Patuloy ang bagyong Uwan sa mabagal nitong paggalaw sa karagatang timog ng Taiwan, dahilan para manatiling nasa ilalim ng Signal No. 1 ang tatlong lugar sa hilagang Luzon, ayon sa PAGASA.
Ayon sa 5 a.m. bulletin, ang sentro ng Uwan ay nasa layong 280 km kanluran ng Itbayat, Batanes, sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Kumikilos ito pa-hilagang-silangan sa bilis na 10 km/h, taglay ang lakas ng hanging 95 km/h at bugso na umaabot sa 115 km/h.
Nananatiling nakataas ang Signal No. 1 sa Batanes, Babuyan Islands (Calayan, Dalupiri, at Fuga), at sa hilagang-kanlurang bahagi ng Ilocos Norte (Burgos, Bangui, Pasuquin, Dumalneg, Pagudpud).
“Minimal to minor impacts from strong winds are possible within any of the areas under Wind Signal No. 1,” ayon sa PAGASA.
Inaasahang muling papasok sa PAR si Uwan ngayong Miyerkules bago mag-landfall sa timog-kanlurang bahagi ng Taiwan sa hapon o gabi.
Mahina na ito bago tumama sa lupa at posibleng maging remnant low pagsapit ng Biyernes habang tinatahak ang Taiwan patungong Ryukyu Islands. RNT