Home METRO 3 nagpakilalang Comelec staff arestado

3 nagpakilalang Comelec staff arestado

MANILA, Philippines- Tatlong indibidwal ang inaresto sa Santa Cruz, Laguna dahil sa umano’y pagpapakilala bilang empleyado ng Commission on Elections (Comelec).

Base sa inisyal na imbestigasyon, ang mga suspek ay nagpakilala umanong mga staff ng Comelec mula sa main office at nagsasagawa ng inspeksyon ng automated counting machines (ACMs) sa Silangan Elementary School.

Isa sa suspek ang umano’y nagpakita rin ng identification card mula sa Comelec Task Force Kontra Bigay.

Samantala, iniulat na ito ng pulisya kay Acting Elections Officer Patrick Arbilo, na nagberipika sa pagkakilanlan ng mga suspek.

Sinabi ni Arbilo, ang mga suspek ay hindi nagtatrabaho sa ilalim ng Comelec at hindi lehitimong empleyado ng komisyon.

Ang mga suspek ay naaresto at nahaharap sa kaukulang kaso ayon kay Comelec Chairman George Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden