Home NATIONWIDE 3 parak na sangkot sa hazing ng rookie officer sa Isabela kalaboso!

3 parak na sangkot sa hazing ng rookie officer sa Isabela kalaboso!

MANILA, Philippines- Nagsampa ng kaso laban sa tatlong pulis na sangkot sa umano’y hazing ng isang rookie sa lalawigan ng Isabela, ayon sa ranking official ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes.

Inihayag ni PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) chief Brig. Gen. Warren de Leon na tatlong hindi pinangalanang police officers ang kinasuhan sa paglabag sa Anti-Hazing law sa Isabela Provincial Prosecutors Office dahil sa hazing kay Pat. Jeremy Matthew Padilla noong Mayo 24.

“Kapag napatunayan na sila ay naging guilty doon sa Anti-Hazing law, ‘yun na ‘yung reclusion perpetua. Makulong sila ng up to 30 years at meron pa silang penalty. Magbabayad sila ng PHP2 million dahil doon sa kaso na yun ,” dagdag niya.

Ani De Leon, nagsimula na ang pre-charge investigation sa administrative complaint na grave misconduct laban sa tatlong pulis.

Samantala, sinbi niyang iimbestigahan din ang company commander ng mga pulis para sa administrative charges sa principle of command responsibility.

“Hindi siya na-isama kasi based sa statement ng complainant, nagsumbong siya kaya lang walang ginawang aksyon,” patuloy ni De Leon.

Aniya, wala pa silang ebidensya na nasaksihan ng company commander ang aktuwal na hazing kaya administrative case muna ang ikinasa.

Batay sa ulat, pinagsusuntok umano ng mga pulis si Padilla sa iba’t ibang bahagi ng katawan at hinampas ng wooden paddle sa action drill sa Barangay Macalauat sa bayan ng Angadanan. Tinakpan din ang mukha ng biktima ng basang tela.

Ayon sa medical report, nagtamo ang biktima ng “multiple physical injuries secondary to mauling, including hematoma in the right upper quadrant of his abdomen; hematomas on the anterior and posterior aspects of his right thigh; hematoma on his left forearm; and abrasions on both knees.” RNT/SA