Home HOME BANNER STORY 3 paslit patay sa sunog sa Iloilo

3 paslit patay sa sunog sa Iloilo

MANILA, Philippines – Patay ang tatlong bata sa sunog na sumiklab sa loob ng kanilang bahay habang sila ay natutulog sa Barangay Dalusan, Maasin sa Iloilo.

Base sa imbestigasyon, limang bata ang pinaniniwalaang natutulog sa loob ng bahay nang sumiklab ang sunog noong Miyerkules ng gabi.

Isang 5 taong gulang na batang babae at isang 4 na taong gulang na batang lalaki na parehong may polio ang parehong natusta ng sunog hanggang sa mamatay.

Samantala, nagawa namang mailabas sa nasusunog na bahay ang isang taong gulang na batang babae ngunit idineklara itong dead on arrival sa ospital matapos magtamo ng mga paso sa katawan.

Ginagamot pa sa ospital ang 12-anyos at 8-anyos na kapatid ng mga biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Maasin BFP, nasa isang lamayan ang mga magulang ng mga bata nang mangyari ang sunog.

Posibleng nagmula ang apoy sa ilalim ng hagdanan ng bahay na tanging daanan nila.

Nahirapan ang BFP na apulahin ang apoy dahil nasa bulubunduking bahagi ng barangay ang bahay ng mga biktima. RNT