Home METRO 3 patay, 1 nawawala sa hagupit ng ipo-ipo sa Biliran

3 patay, 1 nawawala sa hagupit ng ipo-ipo sa Biliran

268
0

TACLOBAN CITY, Philippines – Nasawi ang tatlong katao habang pinaghahanap ang isang bata at 12 iba pa ang sugatan matapos hagupitin ng ipo-ipo na dala ng Severe Tropical Storm “Opong” (international name: Bualoi) ang bayan ng Maripipi, Biliran, nitong Biyernes ng madaling araw.

Ayon kay Mayor Joseph Caingcoy, kabilang sa mga nasawi ang dalawang nakatatandang magkapatid mula Barangay Ol-og at isang 48-anyos na babae mula Barangay Vega. Sugatan ang asawa ng naturang babae, habang nawawala naman ang kanilang siyam na taong gulang na pamangkin.

Sinabi ng alkalde, na bumalik ang dalawang nakatatanda sa kanilang bahay mula sa evacuation center.

Sa Maripipi, umabot na sa pito ang bilang ng mga nasawi sa Biliran dahil kay “Opong.” Ang iba pang mga biktima ay mula sa mga bayan ng Kawayan (tatlo) at Caibiran (isa).

Tumama ang ipo-ipo sa mga barangay ng Ol-og at Vega bandang alas-2 ng madaling araw, winasak ang mga bahay habang natutulog pa ang mga residente.

Ani Caingcoy, malakas at paikot-ikot na hangin ang dala ng bagyo na sumira sa mga kabahayan at nagkalat ng mga debris.

“Ito na ang pinakamatinding naranasan ng Maripipi sa loob ng maraming taon,” dagdag ng alkalde.

Lima pang barangay — Ol-og, Vega, Benalayan, Agutay, at Banlas — ang nananatiling isolated dahil sa mga bumagsak na poste ng kuryente, puno, bato, at iba pang debris na humaharang sa mga kalsada.

Labindalawa pang residente mula sa iba’t ibang barangay ang nasugatan dahil sa hagupit ng bagyo.

Sa kabuuan, 12 sa 15 barangay ng bayan ang matinding napinsala ang mga bahay, kalsada, at iba pang imprastraktura. Wala pa ring suplay ng kuryente sa buong isla na may populasyong mahigit 7,000.

Ayon sa alkalde, pinag-aaralan ng pamahalaang lokal ang posibilidad na ideklara ang Maripipi sa ilalim ng state of calamity para mapabilis ang pagbibigay ng mga relief at rehabilitasyon sa mga napinsalang bahay, imprastraktura at mga kalsada. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here