MANILA, Philippines – Tatlo ang kumpirmadong nasawi habang 10 ang sugatan matapos manalasa ang Severe Tropical Storm Opong sa Masbate.
Ayon sa Masbate Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, dalawa sa mga nasawi ang mula sa Masbate City kung saan ang isa ay nabagsakan ng puno habang ang isa ay tinamaan ng bumigay na pader.
Labis na napinsala rin ang mga tirahan at ilang establisyimento, at nawalan din ng kuryente sa malaking bahagi ng Masbate City.
Nasa 100 pamilya na naninirahan malapit sa pantalan sa Dimasalang, Masbate ang inilikas.
Samantala, bumagsak din ang kisame ng Parish of Immaculate Conception sa Batuan, Masbate, kung saan may mga tumutuloy na evacuees.
Hindi pa tukoy ang eksaktong bilang ng mga evacuee na nasaktan sa insidente. RNT/JGC