Manila, Philippines – Aprub sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang tatlong karagdagang pelikula, isang linggo bago ang araw ng Pasko.
Nangunguna sa listahan ang American epic science-fiction na “Avatar: Fire and Ash,” ang ikatlong installment ng Avatar franchise, na nakatanggap ng PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) na klasipikasyon.
Ang PG ay para sa mga edad 13 at pababa basta’t sila ay may kasamang magulang o nakatatanda.
Tungkol ito sa kuwento ng pamilya nina Jake at Neytiri na nagluluksa sa pagkamatay ni Neteyam. Ipinakilala sa pelikula ang isang bago at agresibong tribo ng Na’vi na kilala bilang Ash people, na pinamumunuan ng mabagsik na si Varang.
Nakatanggap din ng PG ang lokal na pelikulang “Mandirigma,” na pinagbibidahan nina Angeli Khang at Sahil Khan.
Hango sa isang tunay na kuwento, sinusundan ng pelikula ang buhay ni Sahil Khan, isang sundalo na lahing Afghan at Pilipino. Pinapasan nito ang trauma ng digmaan habang hinahanap ang kanyang matagal nang nawawalang ina sa Pilipinas.
Pinaalalahanan ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto ang mga magulang na gawing gabay ang mga rating ng MTRCB para sa proteksiyon ng kabataan.
“Nariyan lagi ang MTRCB para gabayan ang mga magulang sa pagpili ng panonoorin, laluna ngayong kapaskuhan na sama-sama ang pamilya sa panahon ng kasayahan,” sabi ni Sotto.
Samantala, ang psychological thriller na “The Painted” ay binigyan ng R-13 rating para sa mga edad 13 at pataas. JP Ignacio