LOS ANGELES — Tatlong Filipino green card holders ang kabilang sa 28 foreign nationals na kinasuhan sa California kaugnay ng umano’y ilegal na voter registration at pagboto sa mga halalan sa United States.
Kinilala ng US Department of Justice (DOJ) ang mga Filipino na sina Giezell Viduya Adawag, 41, ng Vacaville; Jose Probitsado Amaro, 51, ng National City; at Pamele Arbues Line, 56, ng Escondido. Lahat ng 28 akusado ay lawful permanent residents o green card holders ngunit hindi US citizens at hindi pinapayagang bumoto sa US elections.
Ayon sa DOJ, nagparehistro umano si Adawag bilang botante noong araw ng November 2024 general election, nagdeklara umano nang mali na US citizen siya at bumoto rin sa naturang halalan.
Nahaharap siya sa kasong voting by a noncitizen in a federal election, isang misdemeanor na maaaring patawan ng hanggang isang taong pagkakakulong kung mapapatunayang guilty.
Si Amaro naman ay inakusahan ng maling pagdeklara na US citizen upang makapagparehistro at pagboto noong November 2024 election. Inakusahan din siyang nagbigay ng maling impormasyon tungkol sa kanyang citizenship claim at voting history sa naturalization proceedings.
Katulad na mga alegasyon ang isinampa laban kay Line, na ayon sa prosecutors ay nagparehistro at bumoto rin noong November 2024 election at umano’y nagbigay ng maling impormasyon sa kanyang naturalization interview.
Bahagi ang mga kaso ng “Operation Protect the Vote,” isang coordinated enforcement effort ng apat na US Attorney’s Offices sa California. Labing-isa sa 28 akusado ang inaresto noong Oktubre 19.
Nilinaw ng US DOJ na ang mga reklamo at sakdal ay mga alegasyon lamang at itinuturing na inosente ang lahat ng akusado hangga’t hindi napatutunayang guilty beyond reasonable doubt sa korte. Dave Medina