MANILA, Philippines – Ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee chair Panfilo Lacson noong Martes, kasama sa report ng komite ang posibleng anomalya sa flood control na may kaugnayan kina Senators Francis Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada.
Binigyang-diin ni Lacson na ang Senado ay maaari lamang magrekomenda ng karagdagang imbestigasyon at case buildup, habang ang kapangyarihang magsampa ng kaso ay nasa Department of Justice at Office of the Ombudsman.
Aniya, patuloy na tinutukoy ng report ang iba’t ibang posibleng paglabag base sa ebidensiya mula sa mga pagdinig. Ang draft ng report ay kasalukuyang pinipino lamang para malinaw ang mga salita, at walang substantive na pagbabago sa mga natuklasan ng komite. “Walang nabago. Walang substantive na na-revise, pareho pa rin. ‘Yun lang, ‘yung language,” paliwanag ni Lacson.
Layunin ng pag-aayos ng salita na maiwasan ang maling interpretasyon, lalo na ang maaaring basahing parang nag-uutos sa pagsasampa ng kaso. Idinagdag niya na ang mga pagbabago ay mungkahi ng Senate majority at walang kaugnayan sa minority objections o leadership issues.
Kapag natapos na, ipapakalat ang report para sa mga pirma. Ani Lacson, “Kung matapos mamaya, then tomorrow.” RNT/MND