MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na ayaw niyang alisin sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagbanggit kina Sen. Francis Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada kaugnay ng flood control scandal, kung saan inirekomenda ang iba’t ibang kasong kriminal at administratibo, kabilang ang plunder.
Nang tanungin kung may mga senador na gustong ipatanggal ang rekomendasyon laban sa tatlo, sinabi ni Sotto: “Wala naman. Wala naman ganun. Hindi mo naman puwedeng sabihin kay Sen. Lacson ’yun.”
Nauna nang sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, chair ng Blue Ribbon Committee, na naninindigan siya sa mga rekomendasyon ng draft report dahil tugma raw ito sa ginagawa na ng mga ahensya ng gobyerno.
Gayunman, sinabi ni Sotto na mas pinagtutuunan niya ng pansin ang paggawa ng batas kaysa sa kung sino ang kakasuhan. “Importante sa akin doon ’yung legislation. Hindi ’yung dapat kasuhan si ganito, si ganyan,” aniya.
Inamin din ni Sotto na hindi pa niya nababasa ang draft report dahil hindi pa ito ipinapakita sa kanya. Ayon sa kanya, tatlo hanggang apat na miyembro pa lamang ng komite ang unang nakakita nito at inakala nilang maaari na itong pirmahan.
Inaasahan ni Sotto na ma-finalize ang draft report sa susunod na linggo. RNT/MND