Home METRO 3 sundalo arestado sa shabu sa Tarlac

3 sundalo arestado sa shabu sa Tarlac

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya ang tatlong sundalo sa umano’y P340,000 halaga ng shabu sa Bamban, Tarlac.

Sa pahayag, sinabi ng PDEA Central Luzon na nagsagawa ng buy-bust operation ang joint operatives mula sa PDEA Tarlac at Tarlac police bandang alas-9 ng gabi nitong Linggo sa Barangay Anupul.

Kinilala ang mga naarestong indibidwal na sina Sergeant Roquero, Corporal Delmoral, at Corporal Feliciano.

Ang tatlong mga suspek ay enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines.

Hindi naman tinukoy kung anong unit ng armed forces kabilang ang mga sundalong naaresto, ngunit sila ay may “inactive status” sa serbisyo.

Itinuturing na high-value targets ang tatlong naarestong sundalo.

Nakumpiska ng mga tauhan ng PDEA ang transparent plastic sachet na naglalaman ng 50 gramo ng shabu at AFP-issued Rock Island caliber.45 pistol na kargado ng magazine at apat na bala.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC