MANILA, Philippines – Tatlong Chinese national ang inaresto ng mga miyembro ng Parañaque City Police Sto. Nino Substation sa isang condominium sa Barangau Don Galo, Parañaque City noong Linggo ng gabi, Disyembre 1.
Sinabi ng Southern Police District (SPD) na naaresto ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Mao,” 41, alyas “Wee,” 37, at alyas “Hao,” 32, dakong alas-7:10 ng gabi. dahil sa pagtutok ng baril at pagbabanta na papatayin ang isang driver na kinilalang si alyas “Dave,” 33.
Ang mga miyembro ng Parañaque City Police Sto. Nino Substation ang rumesponde matapos makatanggap ng tawag mula sa mga security personnel ng condominium na humihingi ng tulong sa pulisya.
Sinabi ng biktima sa pulisya na binantaan siya ng baril ni Mao na tinulungan ng dalawa pang suspek sa mainitang pagtatalo.
Narekober ng pulisya kay Mao ang isang 9mm pistol at isang magazine na may walong live ammunitions.
Ang mga naarestong suspek ay nakakulong sa Parañaque City Police custodial facility at sinampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at grave threats. RNT