MANILA, Philippines – Tatlong Chinese nationals ang naaresto sa Sta. Cruz, Maynila dahil sa umano’y pagpapatakbo ng online cryptocurrency scam na target ang mga investor sa Hong Kong, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Nahuli ang mga suspek na may edad 27, 37, at 50 sa isang hotel sa Tomas Mapua Street noong Nobyembre 7 ng Fugitive Search Unit ng BI.
Isa sa kanila ang umakto bilang manager na nangangasiwa sa operasyon, habang ang isa pa ay supervisor para sa pang-araw-araw na gawain.
Dalawa sa kanila ay overstaying, at lahat ng tatlo ay hindi nakapagpakita ng balidong pasaporte o dokumento sa imigrasyon.
“The BI will continue to aggressively pursue foreign nationals who violate Philippine laws, whether through overstaying, scams, or other criminal activities. No one is above the law,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Ang mga naaresto ay dinala sa BI warden facility sa Taguig City para sa booking at verification, at patuloy ang deportation proceedings laban sa kanila. RNT