MANILA, Philippines – Tatlong weather system—ang northeast monsoon (amihan), shear line, at easterlies—ang inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa Linggo, ayon sa PAGASA.
Batay sa forecast noong Sabado ng hapon, sinabi ni Pagasa weather specialist Leanne Loreto na inaasahan ang maulap na kalangitan na may pag-ulan sa mga silangang bahagi ng Luzon dahil sa shear line, o hangganan ng northeasterly at easterly winds. Kabilang dito ang Cagayan, Isabela, Aurora, at Quezon.
“The amihan will also blow even stronger tomorrow, so let’s expect our mornings to be colder tomorrow until Monday,” ayon kay Lereto.
Inaasahan ding magdadala ng ulan ang amihan sa Cordillera at sa timog at kanlurang bahagi ng Luzon.
Samantala, ang easterlies o maiinit na hangin mula sa Karagatang Pasipiko ay magdudulot ng pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region at Mimaropa—kabilang ang Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan—lalo na sa hapon at gabi.
Ayon kay Loreto, magpapatuloy din ang epekto ng easterlies sa Palawan, Visayas, at Mindanao, kung saan inaasahan ang mainit na umaga at posibilidad ng biglaang pag-ulan sa hapon at gabi.
Para naman sa kalagayan ng dagat, may gale warning sa silangang baybayin ng Cagayan dahil sa amihan.
“Our fellow sailors are not allowed to sail because the waves are very dangerous, especially for small vessels,” saad ni Loreto. RNT/MND