MASBATE, Philippines – Aabot sa tatlumpung (30) Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa Cayabon Agrarian Reform Cooperative sa Cayabon, Milagros, Masbate ang nagtapos ng kanilang Farm Business School upang pataasin ang kita at pagandahin ang produksyon na nagtapos sa Farm FBS ng Department of Agrarian Reform (DAR), isang programang naglalayong hubugin ang mga magsasaka bilang matagumpay na agripreneur.
Ayon kay Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Ma. Theresa B. Bacayo, layunin ng FBS na sanayin ang mga ARBs sa pamamahala ng sakahan bilang isang negosyo upang makagawa sila ng mas matalinong desisyon na magreresulta sa mas mataas na ani, mas malawak na merkado, at mas matatag na kita.
“Higit pa ito sa sertipiko; isa itong lisensya upang gawing maunlad at kumikitang negosyo ang inyong mga sakahan,” ani Bacayo, na binigyang-diin ang kahalagahan ng makabagong at market-driven na pamamaraan sa pagsasaka.
Kaugnay nito lahat ng nagtapos ay benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at sumailalim sa masinsinang 17-linggong pagsasanay na sumaklaw sa financial literacy, market analysis, at strategic crop planning. Sa pamamagitan nito, mas nagiging handa ang mga magsasaka na bawasan ang panganib sa produksyon, kontrolin ang gastusin, at itugma ang pagtatanim sa pangangailangan ng merkado upang masiguro ang mas mataas na kita.
Samantala tiniyak din ng DAR ang patuloy na pagbibigay ng teknikal na tulong at suporta upang magamit ng mga ARBs ang kanilang mga natutunan at higit pang mapalakas ang kanilang partisipasyon sa agricultural value chain.
Ibinahagi ni Mequias Eguin, isa sa nagtapos, na nagbago ang kanilang pananaw sa pagsasaka matapos ang pagsasanay. “Tinuruan kaming tingnan ang sakahan hindi lamang bilang taniman ng pagkain, kundi bilang isang negosyo. Ngayon, nakapaplano na kami ng iskedyul ng pagtatanim base sa pangangailangan ng merkado, hindi lamang sa nakagawian,” aniya.
Layunin ng FBS na makabuo ng mas matatag at napapanatiling ekonomiyang pang-rural sa pamamagitan ng pagbibigay-kapangyarihan sa mga magsasaka na maging kumpiyansa, produktibo, at maaasahang tagapagtaguyod ng kaunlaran sa kanilang komunidad. (Santi Celario)