MANILA, Philippines – Nanawagan si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio sa Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) na imbestigahan nang buo ang pagkakadiskubre ng 300 piraso ng human remains sa Taal Lake, kahit hindi ito konektado sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Tinawag ni Tinio na “lubhang nakakabahala” ang insidente at iginiit na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima na maaaring kabilang sa mga pinaslang, EJK victims, o mga nawawalang aktibista at mamamayan.
“Marami pang nawawala—hindi lang sabungeros, kundi mga aktibista at ordinaryong mamamayan na matagal nang hinahanap ng kanilang mga pamilya ang hustisya,” aniya.
Binalaan din niya ang pamahalaan laban sa maagang pagsasara ng kaso, at iginiit na tungkulin ng gobyerno na alamin ang buong katotohanan at papanagutin ang mga responsable. RNT