Home NATIONWIDE 32 patay sa hagupit ni Carina

32 patay sa hagupit ni Carina

153
0

MANILA, Philippines – Umakyat na sa 32 ang bilang ng mga naiulat na nasawi sa Luzon dahil sa pananalasa ng Tropical Cyclone Carina at Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Karamihan sa mga naiulat na pagkamatay ay dahil sa pagkalunod, pagguho ng lupa, pagkakuryente, at pagbagsak ng mga puno.

Sa Calabarzon, sinabi ng Police Region Office 4A na 12 katao ang naiulat na namatay, kabilang ang lima sa Batangas, apat sa Rizal, at tatlo sa Cavite.

Dalawang katao ang nawawala sa Cavite at Rizal, kung saan anim na iba pa ang sugatan.

Sa Metro Manila, sinabi ng National Capital Region Police Office na 11 katao ang naiulat na namatay kabilang ang tig-tatlo sa Maynila at Quezon City, gayundin ang tig-isa sa Malabon, Valenzuela, San Juan, Mandaluyong, at Pasay.

Walong katao rin ang naiulat na sugatan sa Quezon City.

Samantala sa Central Luzon, sinabi ng Police Regional Office 3 na siyam katao ang naiulat na namatay, kabilang ang anim sa Bulacan at tatlo sa Pampanga.

Dalawang tao ang nawawala sa Bataan at Zambales. Tatlong iba pa ang nasugatan, kabilang ang dalawa sa Bataan at isa sa Pampanga.

Naapektuhan ng Habagat, Carina, at Butchoy ang kabuuang 1,319,467 katao o 299,344 na pamilya sa lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Eastern Visayas, ayon sa updated na ulat ng NDRRMC.

Sa mga apektadong populasyon, 211,396 katao o 53,414 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center, habang 675,932 indibidwal o 114,735 pamilya ang nakasilong sa ibang lugar.

May kabuuang 317 bahay ang nasira—240 partially at 77 totally—dahil sa weather disturbances.

Iniulat ang pinsala sa agrikultura na nagkakahalaga ng P9,706,852 at sa mga pasilidad ng patubig na nagkakahalaga ng P6,560,000. Para sa imprastraktura, P1,298,974 ang naiulat na pinsala.

Idineklara ang state of calamity sa Cavite; Pinamalayan at Baco sa Oriental Mindoro; San Andres sa Romblon; Jose Abad Santos sa Davao Occidental; Kabacan at Pikit sa Cotabato, Bataan, Bulacan, Cavite, Batangas at Metro Manila.

Sa ngayon, nasa P61,338,767 ang tulong na naibigay sa mga biktima, ayon sa NDRRMC. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here