Home NATIONWIDE 342 OFWs mula Abu Dhabi, naka-uwi na sa Pinas – DMW

342 OFWs mula Abu Dhabi, naka-uwi na sa Pinas – DMW

92
0

MANILA, Philippines – Tinanggap ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagbabalik ng 342 Pilipino mula Abu Dhabi, United Arab Emirates, matapos dumating ang ikawalong chartered flight ng pamahalaan sa Villamor Air Base sa Pasay City noong Biyernes ng hapon.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, 203 sa mga ito ay overseas Filipino workers (OFWs) habang ang iba ay kanilang mga dependents at kamag-anak.

Sinabi niya na patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang tulong para sa mga umuuwi na OFWs sa gitna ng tensyon sa Middle East, kabilang ang financial aid, reintegration programs, at job support.

“’Yung mga nakaraang repatriation natin, kung maalala ninyo, from Israel, ay na-place na natin dito sa ating G2G Government to Government arrangement, hotel workers for Croatia. So, that’s just one example of the continuing efforts we’re doing,” ani Cacdac.

Dagdag niya, inutusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin pa ang serbisyo para sa mga uuwi, lalo na sa kabuhayan, sa tulong ng DOLE para sa job matching at DTI para sa livelihood programs.

Kasama sa pag-welcome sa mga repatriates ang Department of Health (DOH), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Office of the President, Presidential Management Staff, at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sa DMW, isinagawa ang operasyon sa tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Embassy sa UAE upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Middle East.

Pagdating sa bansa, binigyan agad ng tulong ang mga repatriates at nakahanda rin ang iba pang ahensya para sa medical assistance, temporary shelter, financial aid, at iba pang serbisyo.

Ayon kay Cacdac, may susunod pang chartered flight at inaasahang nasa mahigit 2,000 OFWs pa ang naghihintay na maiuwi, depende sa sitwasyon sa Middle East.

“Andito tayo kung ilan pa ‘yung mga Pilipino na gustong bumalik sa Pilipinas… We’re hoping, of course, that the ceasefire will hold,” aniya.

Inihayag din niya na naglabas ang Department of Budget and Management ng halos ₱1 bilyon para sa operasyon, kung saan nasa ₱800 milyon ang para sa DMW.

Sinabi rin niya na bumaba ng 50% hanggang 60% ang deployment sa Middle East, bagama’t hindi gaanong apektado ang sea-based workers.

Samantala, sa Lebanon, nasa 60 Pilipino na rin ang naiuwi ng pamahalaan dahil sa seguridad sa lugar, ngunit wala namang Pilipinong naiulat na nasaktan sa mga kaguluhan doon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here