DAVAO CITY – Inihayag ng Eastern Mindanao Command (EMC) ang pagsuko ng 35 dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na may isinurender na 20 baril mula sa iba’t ibang unit ng NPA sa buong Davao del Norte, Davao de Oro, at Agusan Sur.
Iniharap nina Brigadier General Felix Ronnie Babac, commander ng 1001st Infantry Brigade, at Major General Allan Hambala, commander ng 10ID, ang isa pang grupo ng sumukong 20 rebelde kay Lieutenant General Luis Rex D. Bergante, commander ng EMC.
Sa tulong ng 60th Infantry Battalion, naging posible ang pagsuko sa pamamagitan ng matatag na pagsisikap nina Loreto Mayor Lorife M. Otaza, Kapalong Mayor Maria Theresa R. Timbol, at Laak Mayor Antonio L. Libuangan.







