Home TECH TREND 35 grupo umapela kay Marcos: Konektadong Pinoy isabatas na!

35 grupo umapela kay Marcos: Konektadong Pinoy isabatas na!

Umapela ang iba’t ibang organisasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isabatas na ang Konektadong Pinoy o Open Access in Data Transmission Act, na itinuturing
nilang makasaysayang panukala na magpapalakas ng access sa internet sa bansa.

Sa isang pahayag, pinuri ng 35 grupo si Marcos Jr. sa pag-certify ng panukalang batas
bilang urgent, at sinabing ang pagpirma rito ay magiging pinakamalaking pamana ng
Pangulo sa sambayanang Pilipino at sa mga stakeholder na matagal nang nagtitiis sa
mahal, hindi maaasahan, at hindi abot-kamay na internet.

“Konektadong Pinoy was created to free Filipinos from the shackles of poor internet.
The Philippines has been lagging behind on internet connectivity not only in Asia but in the whole world,” ayon sa kanila.

Batay sa pinakahuling datos, inilahad ng mga grupo na 19,000 barangay o 45.5
porsiyento ng kabuuang barangay sa bansa ang wala pa ring internet access, na
humahadlang sa mga oportunidad para sa mga Pilipino at nagpapahirap sa kanilang makasabay sa mga makabagong teknolohiya, lalo na sa mga digital na trabaho.

“Dahil sa lumalawak na digital divide, nawawalan ng access ang milyun-milyong Pilipino sa e-commerce, e-government, online learning, at AI,” giit pa nila.

Idinagdag ng mga grupo na makatutulong ang Konektadong Pinoy para mapababa ang presyo ng internet, at magbibigay-daan sa maliliit na internet service providers na magtayo ng sariling imprastraktura at magbigay ng serbisyo sa kanilang mga komunidad.

Kapag naisabatas, inaasahang magpapasigla ito ng kompetisyon, muling bubuhay sa merkado, at hihikayatin ang pagpasok ng mamumuhunan kahit sa mga liblib na lugar ng bansa.

Isinantabi rin nila ang mga pangamba ng ilang sektor ukol sa seguridad, sa pagsasabing napag-aralan ito nang mabuti at dumaan sa halos 10 taon ng deliberasyon at pagpapabuti ng tatlong Kongreso.

Malawak din ang suporta sa panukalang batas mula sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), Department
of Information and Communications Technology (DICT), Philippine Competition
Commission (PCC), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at Commission on Human
Rights (CHR).

Binigyang diin naman ng mga lokal na opisyal ang importansiya ng Konektadong Pinoy para mabawasan ang digital divide, tuldukan ang agwat sa teknolohiya, palawakin ang financial inclusion, itaas ang antas ng literacy, at pasiglahin ang ekonomiya.

“Kami, ang 35 lumagda sa pahayag ng suporta, ay handang makibahagi sa matagumpay na pagpapatupad ng makasaysayang batas na ito,” pangako ng mga grupo.

Kabilang sa mga lumagda sa pahayag ang mga sumusunod:
Business and Industry Groups – Analytics & AI Association of the Philippines (AAP),
Alliance of Tech Innovators for the Nation (ATIN), Employers Confederation of the
Philippines (ECOP), Fintech Alliance PH, Internet and Technology Association of the
Philippines, Inc. (ITAP), Maharlika Internet Exchange (MaharlikaIX), National
Confederation of the Philippines (NATCCO), and Philippine Exporters Confederation,
Inc. (PHILEXPORT) at iba pa. RNT