LAGUNA, Philippines – Nasawi ang isang 38-anyos na babae matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi nakikilalang gunman sa isang waiting shed sa Barangay Villa Nogales, bayan ng Majayjay, kagabi, Nobyembre 11, 2026.
Kinilala ang biktima sa alyas na Lea, residente ng Barangay Munting Kawayan, Majayjay. Idineklarang dead on arrival sa Majayjay Madicare Hospital dahil sa dalawang tama ng bala sa katawan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:15 ng gabi nang matagpuang duguang nakahandusay ang biktima sa waiting shed. Narekober sa lugar ang dalawang basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang pag-backtrack sa mga CCTV footage sa lugar.
Sa pagsusuri sa CCTV, nakita ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklong Honda Navi na may plakang 03885T at hinihinalang may kinalaman sa krimen.
Inilarawan ang mga lalaki na nakasuot ng black jacket, green shorts, white Crocs slippers, black T-shirt, gray pants at black slippers. ELLEN APOSTOL