MANILA, Philippines – Ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na abogadong iniuugnay sa umano’y tangkang i-frame up si Executive Secretary Ralph Recto.
Ang mga ito ay inatasan na humarap sa ahensya sa susunod na linggo, ayon kay NBI Director Melvin Matibag nitong Sabado, Agosto 8.
“‘Yung apat na abogado na identified na involved dito sa scheme na ‘to, sa plano na ‘to ay amin na pong pina-subpoena to appear next Friday (August 14),” ani Matibag.
Hindi na pinangalanan ni Matibag ang apat na abogado ngunit sinabing sila ay pare-parehong mula sa isang law firm sa Ortigas Center.
Ang mga abogadong ito, ani Matibag, ang naghanda ng mga affidavit sa umano’y plano.
“Ang mga kliyente nila, mga personalities din na malalaki. Ang problema, ‘yung dalawang abogado na involved, kilala na… at senior partners na… ‘Yung dalawa naman, ‘yun ang kaawa-awa. Bagong abogado. So, malalaman po natin by next week,” aniya.
Matatandaan na nasagip ng mga ahente ng NBI ang ilang indibidwal sa isang entrapment operation.
Ang ilan sa mga biktima ay nagsabing si dating
Rep. Jing Paras ang nagsabi sa kanilang babayaran sila kung gagawa ng kwento at pipirma ng affidavit. Dagdag pa, matatanggap umano nila ang kabayaran in-tranches habang nagpapatuloy ang kaso.
Nag-isyu na ng subpoena ang NBI kay Paras at Batangas Representative Leandro Leviste, na binanggit umano ng dating mambabatas sa mga babae.
Itinanggi naman nina Paras at Leviste ang alegasyon. RNT/JGC