Home METRO 4 bumbero nabagsakan ng sahig sa sunog

4 bumbero nabagsakan ng sahig sa sunog

Nadisgrasya ang apat na bumbero na rumesponde sa sunog sa Sampaloc, Maynila hapon ng Miyerkoles, November 1, makaraang mabagsakan ng bahagi ng isang bahay na natutupok ng apoy.

Isa sa naapektuhan sa sunog ang bahay ng radio reporter ng DZXL na si Grace Mariano at mister niyang si Coast Guard Capt. Paul Mariano sa may Calamba corner Sisa Street, Sampaloc.

Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection-Manila, alas-12:39 ng hapon nang sumiklab ang apoy sa residential area sa naturang lugar.

Itinaas sa ikalawang alarma dakong alas-12:46 ng hapon ang sunog na umabot lamang ng isang oras at tuluyang naapula alas 2:21 ng hapon.

Habang nasa kasagsagan ng pag-apula ng sunog sa isang bahay sa may No. 1635 Sisa Street, ang apat na bumbero kasama ang isang babae, biglang bumigay ang sahig ng bahay kasama ang bubungan na bumagsak sa kanila.

Nagtamo lamang ng minor injuries ang mga bumbero dahil gawa lamang ang bahay sa light materials.

Samantala, wala namang naiulat na nasaktan sa mga residente maging ang buong pamilya ng reporter na si Mariano.

Sinabi ni Grace natupok ang ikalawang palapag ng kaniyang bahay habang naisalba naman ang unang palapag na gawa sa semento. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)